“Eid Mubarak” ni Amenah Sagapan


     Malapit nang mag alas sais. Unti-unti nang kinakain ng gabi ang araw. Nagtatakip silim na at ilang minuto na lang ay maaari na ulit kaming kumain.

      Bawat taon sinsalubong namin ng labis na saya ang buwan ng Ramadan kung saan kaming mga Muslim ay taimtim na nag-aayuno. Nakakalungkot nga lang na sa oras na ito marahil ang huling araw ng pinagpalang buwan ng Ramadan.

      Alhamdulillah (ang pagpupuri ay kay Allah) at dumating na ang oras. Naibsan na sa wakas ang uhaw at gutom sa buong araw na hindi pag-inom at pag-kain.

    Lumabas ako ng bahay naghahangad na masilayan ang buwan ngunit sa aking pagkadismaya, hindi ko nasaksihan ang liwanag nito sa gabi. Lumipas ang dalawang oras at matiyaga akong nakaantabay sa anunsiyo mula sa Darul Iftah. At alam kong lahat ng mga Muslim, saan mang panig ng mundo sila ngayon ay katulad kong naghihintay rin ng anunsyo. Ilang minuto pa ay labis kong ikinatuwa nang malamang bukas na nga ang Eid naming mga Muslim. Ang isa sa dalawang selebrasyong aming ipinagdiriwang taon-taon. Hindi ko mapigilin ang sobrang saya kaya napalundag lundag ako at napahalik sa aking kapatid. Dali dali kong inihanda ang susuotin ko sa okasyon kinaumagahan at masayang binati ang lahat ng ‘Eid Mubarak’.

      Sa gabing iyon, mahimbing akong natulog na may kasamang ngiti sa labi. At yun na marahil ang pinakamasayang pangyayari sa aking buhay sa taong ito na ipinagpapasalamat ko ng marami sa Panginoong Allah (S.W.T.).

Leave a comment